Balsang gawa sa sirang papag na binalutan ng kulambo sa ilalim na pinuno ng plastic bottles ang inaasahang magsasalba ng buhay mg pamilyang Ganelo residente ng Calumpang, Calumpit Bulacan, kung sakaling masira ang Angat dam at magkaroon ng malawakang pagbaha. Ayon kay Rosalyn Ganelo, 23 taong gulang, inumpisahan nilang gawin ang balsa matapos ang panayan kay Governor Wilhelmino Sy Alvarado na nagkumpirma na tinatayang 21 bayan at lungsod ng Bulacan kabilang ang kanilang lugar sa maaring mapinsala kung masisira ang Angat dam dulot ng tinatayang 7.2 magnitude na lindol. Naisip ng pamilyang Ganelo ang paglikha ng balsa mula sa luma nilang papag at kulambo, naisip nilang punuin ng plastic bottles ang ilalim nito upang lumutang ito kung sakaling magkaroon na ng malawakang pagbaha. Bukod sa balsa, mayroon din silang hinandang life vest para sa mga bata, at nagtabi din sila ng mga damit at pagkain tulad ng mga de latang pagkain, at noodles. Ayon kay Rosalyn, “naggawa kami ng balsa kasi natakot kami sa Angat dam break, naalarma kasi kami marami kasing bata sa amin may mga baby pa. Nagprepare din kami ng mga damit saka can foods, kasi di namin alam kung kailan mangyayari yun kaya naghanda din kami..” “hindi namin pinaalam sa mga bata ang posibleng mangyari kung masisira yung dam kasi mga bata pa sila baka matakot lang..” Rochelle Ganelo, 17 taong gulang. Ang Angat dam ay nasa 45 taong gulang at dahil sa katandaan nito maaring masira ito ng lindol, at tinatayang 10 hanggang 30 metro ng tubig ang raragasa sa 21 na bayan at lungsod ng Bulacan at tatlong bayan ng Pampangga. Tinataya ding nasa 10 metro ang lalim ng tubig sa bayan ng Calumpit kabilang na ang bayan ng Pulilan. Napagdesisyunan din ng pamilyang Ganelo na magpagawa ng bahay na may ikalawang palapag na kanilang sisilungan kung mangyari man ang trahedya. Malawakang paghahanda ang kanilang isnasagawa upang matakasan ang panganib dulot ng pagkasira ng dam. “nakakatakot yung posibleng mangyari pero kailangan maging handa, kailangan maghanda para masalba naming yung buhay naming.” Manilyn Ganelo, 26 taong gulang. Ang mahahalagang dokumento nila, tulad ng birth certificate, ibinalot na nila sa plastic upang sa oras ng sakuna hindi ito masisira. Kaugnay nito nangangamba pa din sila sa kanilang magiging sitwasyon sapagkat sa kanilang palagay walang gingawang aksyon ang gobyerno upang masolusyunan ang problema ng Angat Dam. Umaasa ang pamilyang Ganelo na ang pagkasira ng Angat dam ay hindi mangayri, at kung mangyari man sana’y madaming buhay ang maligtas dulot ng kanilang lubos na paghahanda. “sana kumilos na ang gobyerno aksyunan na nila yung problema hangga’t maaga para masalba naman ang madaming buhay, wag na sana nilang hayaang mangyari sa Bulacan ang nangyari sa Tacloban, unahin na nila ang mas importante.” Jayvee Ganelo, 19 taong gulang. |